Iminungkahi ni Senador Francis Tolentino sa Bureau of Immigration na ipagbawal na ang pagpasok sa Pilipinas ng mga miyembro ng prosecutor team ng International Criminal Court (ICC) na planong mag-imbestiga sa Pilipinas kaugnay ng ipinatupad na war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sinabi ito ng senador kasunod na rin ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mag-disengage o putulin na ang lahat ng koneksyon o pakikipag-ugnayan ng ating bansa sa ICC.
Ayon kay Tolentino, dahil ang punong ehekutibo na ng bansa ang nagsalita at nagsabing huwag nang makipag-ugnayan sa ICC, dapat lang na sumunod na ang Justice Department kasama na ang BI.
Pinaliwanag ng Senate Committee on Justice Chairman na kung hindi makakapasok sa ating bansa ay hindi makakapag-imbestiga ang ICC prosecution team at hindi sila makakakuha ng ebidensya upang umusad ang kaso.
Pinayuhan rin mambabatas ang Office of the Solicitor General na huwag nang maghain ng motion for reconsideration kaugnay ng pagkakabasura ng ICC sa naunang apela ng ating pamahalaan na suspendihin ang imbestigasyon. I via Nimfa Asuncion