Pinasisiguro ni Senador Pia Cayetano sa mga ahensya ng gobyerno na mananatili para magserbisyo sa Pilipinas ang mga benepisyaryo ng scholarship ng mga health courses gaya ng mga magdo-doktor at nais maging nurse.
Ang pahayag na ito ng senador matapos lumabas sa pagdinig ng senado ang datos na may sapat namang bilang ng mga healthworkers ang Pilipinas pero nasa kalahati lang nito ang nagtratrabaho sa bansa dahil karamihan ay mas nais na magtrabaho sa ibayong dagat.
Giniit ni Cayetano na hindi makatarungan para sa mga Pilipino na matapos pag-aralin ng gobyerno ng Pilipinas ay ang ibang mga bansa ang makikinabang sa kanilang serbisyo.
Nilinaw naman ng mambabatas na hindi niya pinipigilan ang mga graduate ng health courses na mangibang bansa dahil ito ay kasama sa kanilang mga karapatan.
Ang minumungkahi ng senadora na bumalangkas ang mga ahensya ng gobyerno ng mga paraan upang mapaganda ang working environment at maging competitive ang sweldo ng mga doktor, nurse, midwife, physical therapists at maging occupational therapists sa Pilipinas.
Dapat rin aniyang magsagawa ng interviews ang mga ahensya ng gobyerno na responsable sa pamamahagi ng scholarships upang matukoy ang mga estudyante na handang maglingkod sa bansa at bigyan sila ng priority sa libreng pag-aaral. I via Nimfa Asuncion