Mariing kinondena ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang insidente ng pangingidnap at pamamaslang sa negosyanteng si Mario Uy ng apat na dayuhan.
Base sa mga ulat, kabilang sa mga pumaslang kay Uy ay tatlong Chinese at isang Vietnamese na sa kasalukuyan nang nasa kustodiya na ng pambansang pulisya.
Ayon kay Zubiri, hindi imposibleng konektado ang gang na ito sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) industry.
Kaya naman hinihikayat ng Senate President ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang anggulong ito bilang ang nangyaring torture-slay kay Uy ay hindi malayo sa mga impormasyon ng karahasan na inuugnay sa POGO.
Giniit pa ng senate leader na nakakaalarmang tila unti-unti nagiging totoo ang pangamba na umabot sa ating mga kababayan ang karahasan na dulot ng mga foreign gangs dahil sa POGO.
Sa huli, pinahayag ni Zubiri ang kanyang pakikiisa sa pamilya ni Uy sa paghahanap ng hustisya at ang pagpapanawagan para sa mas maigting na proteksyon at prosekusyon laban sa mga foreign organized syndicate gaya ng may sala sa kasong ito. I via Nimfa Asuncion