Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi maniningil ng dagdag na pamasahe ang mga PUV na bbiyahe pa rin sa gitna ng isang linggong tigil-pasada ng ilang transport group.
Sa isang pahayag, sinabi ng LTFRB na may mga ide-deploy na rescue buses sa mga ruta ng Public Utility Jeepney (PUJ) at UV Express na may kakulangan sa pampasaherong sasakyan.
Ang pamasahe rito ay pareho lang aniya ng halagang ibinabayad ng mga pasahero.
Ang pasaherong sasakay sa mga ordinaryong rescue bus ay magbabayad ng katulad lamang ng ibinibayad sa mga tradisyonal na jeep.
Habang katulad naman sa modern jeep ang singil sa mga pasaherong sasakay sa rescue bus na mayroong aircon.
Ayon sa LTFRB, umaasa itong matutugunan ang pangangailangan ng publiko at matiyak na mananatiling tama ang singil sa mga pasahero.
Bukod naman sa opsyon na ito, ay mayroon ding mga libreng sakay na alok ang iba’t ibang LGU at maging ang MMDA simula ngayong araw para sa mga maaapektuhan ng weeklong strike. | ulat ni Merry Ann Bastasa