Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na walang magaganap na suspensyon ng klase sa mga paaralan sa buong bansa.
Ito ay kasunod ng nakakasang tigil-pasada ng ilang transport group na tutol sa plano ng pamahalaan na modernisasyon sa kanilang hanay.
Ayon kay DepEd Spokesperson, Atty. Michael Poa, papayagan ng kagawaran ang mga paaralan sa buong bansa na ipagpatuloy ang pag-aaral ng kanilang mga estudyante sa ilalim ng Alternative Delivery Modes.
Dito, may opsyon ang mga paaralan kung gagamit ng learning modules ang kanilang mga estudyante o di kaya ay magsagawa ng online classes.
Una rito, nag-anunsiyo na ang ilang regional offices ng DepEd kaisa ng kanilang lokal na pamahalaan ng suspensyon ng face-to-face classes, upang hindi maapektuhan ang mga mag-aaral sa kanilang pagpasok sa paaralan. | ulat ni Jaymark Dagala
Photo: DepEd