Nilatag ni Senate Committee on Banks Chairman Senador Mark Villar ang mga safeguard para matiyak ang transparency at accountability sa ipinapanukalang Maharlika Investment Fund (MIF).
Ginawa ito ng senador kasabay ng kanyang pagpresenta sa plenaryo ng naturang panukala o ang Senate bill 2020.
Ayon kay Villar, kabilang sa mga oversight layers ng panukala ang pagtitiyak na magiging bukas at accessible sa publiko ang lahat ng mga dokumento tungkol sa pinapanukalang pondo at maging tungkol sa Maharlika Investment Corporation (MIC).
Ima-mandato rin ang board ng MIC na magtalaga ng independent internal auditor; kumuha ng internationally recognized auditor na magsisilbing external auditor ng financial statements; pagsasailalim ng mga libro at accounts ng MIF sa mahigpit na pagsusuri ng Commission on Audit (COA); at ang pagbuo ng isang Joint Congressional Oversight committee na magmo-monitor sa pagpapatupad ng MIF.
Ang joint congressional oversight committee ay bubuuin ng tig-limang mambabatas mula sa kamara at senado.
Binigyang diin ni Villar na napapanahon ang panukalang ito sa harap ng mataas na inflation at mabagal na economic growth na nagbabanta sa buong mundo.
Pabibilisin rin aniya nito ang pagpapatupad ng infrastructure projects, partikular ang big ticket projects ng pamahalaan.
Halimbawa na ang mga pagpapatayo ng mga kalsada, tollway, energy, water at telecommunications infrastructure. I via Nimfa Asuncion