Inihain kamakailan ni ACT-CIS Party-list Representative Jocelyn Tulfo ang isang panukalang batas na layong mabigyan ng sapat na suporta sa pamamagitan ng research, oportunidad, trabaho at insurance sa mga kababayan nating may autism spectrum disorder o ASD.
Sa ilalim ng CARES Bill o Autism Cooperation, Accountability, Research, Education and Support Act itinutulak ang pagbuo ng isang Inter-agency Cooperation sa pagitan ng DSWD, DOH, DEPED, Philippine Council for Mental Health, at iba pang academic institution para sa early screening ng ASD sa mga kabataan; pagsasagawa ng research tungkol sa ASD; at education at information campaign patungkol sa ASD.
Kasama rin sa isinusulong ng panukala ang pagbibigay ng employment opportunity sa mga indibidwal na may ASD maliban sa pagbibigay ng financial assistance.
βIt is high time that the Philippines enact a law, such as the CARES Plan Act of 2022, that would provide not only financial assistance to our Persons with Autism (PWAs), but also allow them to live independently without discrimination, equal employment opportunities, as well as with sufficient and affordable health services through a whole-country approach.β saad ni Tulfo.
Ayon kay Tulfo, batay sa datos ng Autism Society of the Philippines, isa sa kada isangdaang Pilipino at mayroong ASD o katumbas ng higit 1.2 million na Pilipino.
Dagdag pa nito na dahil sa COVID-19 ay mas namulat ang publiko hinggil sa ASD lalo at kabilang sila sa maituturing na vulnerable individuals.
βSa panahon ng pandemya, namulat ang ating bansa sa mga kakulangan at pangangailangan ng ating mga kababayang may kapansanan, kasama na rito ang mga apektado ng ASD lalong lalo na ang kabataan. Marami sa ating mga kababayan na apektado ng ASD ang patuloy na nagiging biktima ng diskriminasyon, bullying, krimen, kakulangan ng atensyong medical at mga paaralan na naaayon sa kanilang mga pangangailangan dahil sa kawalan ng programa at tamang edukasyon sa mga pribido at pampublikong sector sa bansa,β saad ng lady solon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes