Nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na maging malinaw sa publiko ang kagandahan ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Kasunod ito ng ginawang pag-apruba ng Chief Executive para sa pagpapatupad ng commitment ng Pilipinas sa RCEP na kung saan, isang Executive Order ang ilalabas anomang araw tungkol dito.
Ayon sa Pangulo, kailangang mabigyang-diin sa mga Pilipino na hindi lamang benepisyong maidudulot ng RCEP sa sektor ng Agrikultura sa bansa, gayundin sa kung paano ito makakaapekto sa agriculture businesses and operations.
Ilan sa mga nais mailahad ng Pangulo at maging malinaw sa publiko ang mga hindi kayang gawin noon na kaya ng gawin sa sandaling maipatupad ang RCEP na ang implementasyon ay sa darating na ikalawa ng Hunyo.
Inihayag ng Presidente na sa pagpapatupad ng Regional Comprehensive Economic Partnership ay mayroong potensiyal at mga oportunidad para sa benepisyo ng bansa.
Ang RCEP ay kasunduan sa pagitan ng mga bansa sa ASEAN para sa mas malayang kalakalan na dito ay mababa o walang ilalabas na taripa para sa pag-e-export ng mga produkto. | ulat ni Alvin Baltazar