Ikinakasa na ng pamahalaan ang nationwide na pagpapatupad ng Single Ticketing System.
Ito ang inihayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairperson, Atty. Romando Artes, makaraang ganap nang selyuhan ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapatupad nito sa Metro Manila.
Ayon kay Artes, nag-usap na sila ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., kaugnay ng pag-adopt ng nasabing sistema sa iba pang mga lugar sa bansa.
Gayunman, aminado si Artes, na kailangan muna nilang maplantsa ang nasabing sistema lalo at iilan pa lamang sa pitong mga lungsod ang magpapatupad nito sa Mayo 2.
Subalit kung ipatutupad na sa buong bansa ang Single Ticketing System, sinabi ni Artes, na gagawin na ring uniform ang rate sa pagbabayad ng multa upang maging synchronize at maiwasan ang kalituhan. | ulat ni Jaymark Dagala