Pinuri ni Department of National Defense (DND) Officer in Charge Sr. Undersecretary Carlito Galvez Jr. ang nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) ng National Amnesty Commission (NAC) at National Bureau of Investigation (NBI), na magpapabilis ng proseso sa aplikasyon para sa amnestiya ng mga dating rebelde.
Ayon kay Galvez, na tumatayong ex-officio member ng NAC, ang kasunduan ay titiyak na makakamit sa lalong madaling panahon ang “peace, reconciliation, healing, and unity”.
Ang MOA ay nilagdaan ni NAC Chairperson Atty. Leah Tanodra-Armamento, at NBI Director Medardo G. de Lemos, kahapon sa Pasay City.
Sa ilalim ng kasunduan, magsusumite ang NAC sa NBI ng pormal na request para i-check ang impormasyon ng mga nag-apply para sa amnestiya.
Sa oras na apruban ng Pangulo ang amnesty request, i-uupdate naman ng NBI ang kanilang database para alisin ang “amnesty offenses” sa mga record ng aplikante.
Sa ganitong paraan ay malilinis ang mga rekord ng mga aplikante, para maging mas madali sa kanila na makapag bagong buhay. | ulat ni Leo Sarne