Naitala ng City Health Office ang 65.46% na accomplishment rate sa unang labinlimang araw ng pagpapatupad ng Measles Rubella Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR-OPV SIA) sa lungsod ng Zamboanga.
Ayon kay City Health Officer Dr. Dulce Miravite, inaasahan nito na matutupad ng CHO ang 100% accomplishment rate mula sa target nito sa Chikiting Ligtas Campaign sa lungsod sa katapusan ng buwan ng Mayo 2023.
Patuloy na umaapela ang CHO sa mga magulang, guardians, at caretakers na payagan ang mga batang edad na 0-59 na buwang gulang na i-avail ang libre at ligtas na mga bakuna sa isinasagawang door-to-door campaign ng mga barangay health worker sa lungsod.
Matatandaan, nag-deploy ng mahigit 100 vaccination teams ang tanggapan upang maabot ang target na populasyon sa 98 barangay sa Zamboanga.
Samantala, nakiisa rin ang Philippine Red Cross Zamboanga City Chapter sa lokal na pamahalaan upang pagtibayin ang Chikiting Ligtas Campaign kung saan pinupuntahan ng team ang mga malalayong barangay sa lungsod.