Nanindigan ang dalawang dating Opisyal ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group (PNP-DEG) ang kanilang pagiging inosente matapos madawit sa kontrobersyal na 990 kilo ng shabu na nasabat sa Maynila noong isang taon.
Giit ni dating PDEG Director, P/BGen. Narciso Domingo, nakalulungkot aniyang isipin na siya pa ang nakasuhan gayung siya mismo ang nagbunyag ng anito’y pinakamalaking operasyon ng Pulisya kontra droga.
Kumpiyansa naman si Domingo na mapatutunayan sa Korte na hindi siya kasabwat at sa halip kabilang pa siya sa mga naging susi upang malantad sa publiko ang maling ginagawa ng kaniyang mga kabaro.
Iginagalang naman ni dating PDEG Special Operations Unit 4A Chief, P/Col. Julian Olonan ang pagsasampa ng kaso laban sa kaniya at naniniwala siyang bahagi ito ng proseso.
Ngunit sinabi ni Olonan na gagamitin din niya ang pagkakataong ito upang ilahad ang katotohanan na sa huli ay siya namang magpapalaya sa kaniya sa kaso.
Magugunitang sina Domingo at Olonan ay kabilang sa mga kinasuhan ng National Police Commission (NAPOLCOM) gayundin ay sinampahan ng reklamo sa Ombudsman dahil sa kontrobersiyal na buy-bust na pinakamalaki sa kasaysayan.| ulat ni Jaymark Dagala