Umapela si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Toll Regulatory Board (TRB) at sa North Luzon Express (NLEX) Corporation na ipagpaliban ang provisional increase sa toll rates sa gitna ng lumalalang traffic condition sa expressway at epekto ng inflation na kinakaharap ng mga Pilipino.
Una na kasing inaprubahan ng TRB ang provisional toll increase sa NLEX open system na dagdag 7 pesos sa Class 1 vehicles, 17 pesos sa Class 2 at 19 pesos sa Class 3 epektibo sa Hunyo 15.
Saklaw nito ang Balintawak sa Caloocan, Mindanao Avenue at Marilao sa Bulacan.
Ayon kay Pimentel, ang anumang dagdag singil sa ngayon ay maituturing na unjustifiable at unfair sa mga motorista na araw-araw ay nakararanas ng matinding trapiko sa expressway partikular mula Balintawak hanggang Meycauayan.
Iginiit ng senador na bago humingi ng dagdag na bayad ay dapat munang ayusin ang daloy ng trapiko sa NLEX.
Batay sa datos ng NLEX, nasa 280,000 na sasakyan ang dumaraan sa NLEX araw-araw.
Sinabi ng minority leader sa TRB na bigyang prayoridad ang interes ng publiko at tiyaking ang toll rates ay patas at rasonable. | ulat ni Nimfa Asuncion