Boto at opinyon ng dalawang ICC judge na pumabor sa posisyon ng Pilipinas, nagpapatunay na walang hurisdiksyon ang ICC sa ating bansa – Sen. Tolentino

Facebook
Twitter
LinkedIn

Sa opinyon ni Senador Francis Tolentino, mabigat ang dating para sa ating bansa ng pagpanig ng dalawang mahistrado ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng apelang iatras ang imbestigasyon sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Binahagi kasi ni Tolentino na sa naging botohan ng limang mahistrado ng ICC, dalawa ang pumabor sa apela ng Pilipinas habang tatlo naman ang bumotong ibasura ito.

Giit ni Tolentino, bagama’t kalaunan ay natalo ang apela ng Pilipinas ay mabigat naman ang binahaging opinyon ng dalawang mahistradong pumabor na sina presiding judge Marc Perrin de Brichambaut ng France at judge Gocha Lordkipanidze ng Georgia.

Sang-ayon aniya sa dissenting opinion ng dalawang hukom, klaro na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.

Pinaliwanag kasi ng mga ito na naghain lang ng kaso at isinulong na imbestigahan ang Pilipinas, dalawang taon matapos nating kumalas sa Rome Statute o sa ICC.

Base sa dokumento, May 24, 2021 naghain ng kaso laban sa ating bansa samantalang March 17, 2019 ay naging epektibo na ang pagkalas natin sa ICC.

Sinabi ni Tolentino na pasok pa sana dapat ang pag-iimbestiga sa bansa kung nagsimula ito bago maging epektibo ang pagkalas natin sa ICC.

Dinagdag rin ng mambabatas na may dalawang kondisyon lang para masabing sakop pa rin tayo ng ICC: Una ay dapat parte ang bansa ng Rome statute; at ikalawa ay kung tinanggap ng Pilipinas ang pag-iimbestiga at hurisdiksyon ng ICC.

Mga kondisyong wala sa kaso ngayon ng ating bansa.| ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us