Nasubukan na ng ilang salt producers at mangingisda sa bayan ng Ballesteros, Cagayan na mag-ani ng asin mula sa tubig-dagat matapos silang dumalo sa dalawang araw na pagsasanay kamakailan na pinangunahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 2 at Don Mariano Marcos Memorial State University (DMMMSU) ng La Union province.
Ang DMMMSU ang nagturo sa mga trainee na gumawa ng asin sa pamamagitan ng paggamit ng enerhiya mula sa araw at ang tubig-alat o ang tinatawag na Solar Sea Salt gamit ang polyethylene bilang tapayan.
Namangha ang mga residente sa kanilang natunghayan matapos makita at matikman ang resulta ng kanilang natutunan sa paggawa ng asin.
Ayon sa BFAR-Region 2 at DMMMSU, inaasahang makakaani ng mula anim hanggang pitong kilo ng asin ang mga ito mula lamang sa 200 litrong tubig-alat pagkatapos ng apat hanggang limang araw na pagbilad nito sa matirik na araw.
Pagkatapos namang tumigas o maging asin ng tubig-dagat ay dadaan pa ito sa tinatawag na ‘refinement procedures’ bago tuluyang magamit at iyan ay alinsunod na rin sa teknolohiya ng paggawa ng asin.
Ang muling pagbuhay sa industriya ng asin sa probinsiya ng Cagayan ay alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr, na tumatayo ring kalihim ng Department of Agriculture na kailangang pasiglahin ang salt industry sa bansa upang mapunan ang tumataas na pangangailangan nito sa merkado.
Ayon sa DMMMSU, batay sa estadistika noong 2021, nasa 93% ng supply ng asin sa Pilipinas ay mga imported o inangkat sa ibang bansa at tanging 7% lamang ang nanggagaling sa mga local salt producer.
Sa pamamagitan ng solar sea salt technology ay mapupunan ang pangangailangan ng mga pilipino sa asin, at mababawasan na rin ang pagdedepende ng bansa sa salt importation. I ulat ni Teresa Campos, RP1 Tuguegarao