Sinimulan na ng Department of Budget and Management ang pagbibigay ng pondo para mabilis na matulungan ang mga nasalanta ng magkakasunod na kalamidad.
Ayon kay DBM Sec. Amenah Pangandaman, nasa P8. 4 bilyon na ang kanilang nailabas upang maibigay ang ayuda sa mga naapektuhan ng bagyong Egay, Falcon at habagat.
Galing ang naturang pondo sa P20.5 billion ng General Appropriations Act ng 2023 na nasa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund.
Sa ngayon, mayroon pang P12 bilyon na natitira para sa nalalabing anim na buwan ng 2023.
Ngunit ang pondo para sa Quick Response Fund ay nasa P525 milyon na lamang dahil nagamit na ang P5.625 bilyon sa nakalipas na anim na buwan.
Hangad ng DBM, huwag na sanang masundan ng mas malalakas na bagyo ang bansa dahil pagkakasyahin na lamang ang P525 milyon na natitirang QRF. | ulat ni Michael Rogas