Mahigpit na minomonitor ng Market Operations Division (MOD) sa lungsod ng Cebu ang presyo ng imported na bigas kasunod ng napapaulat na pagtaas ng presyo nito sa mga pamilihan.
Ayon kay MOD Chief Robert Barquilla, base sa kanilang monitoring nasa P2 – P4 bawat kilo ang itinaas sa presyo ng bigas ngayong buwan ng Agosto kung ikukumpara sa nakaraang buwan.
Aminado naman si Barquilla na bumaba ang supply ngayon ng imported na bigas sa lungsod na naging dahilan ng pagtaas ng presyo nito sa mga merkado.
Sa kabila nito, tiniyak ng MOD na tama lang ang presyo na ipinapataw ng mga negosyante at hindi nila samantalahin ang sitwasyon.
Ayon pa kay Barquilla na hindi naman lahat ng mga nagtitinda ng bigas ay nagpatupad ng price increase.
Tiniyak rin nito na nanatiling kontrolado ang presyo ng mga imported na bigas at iba pang mga bilihin sa lungsod ng Cebu. | ulat ni Angelie Tajapal | RP1 Cebu