Pinulong na ni Urbiztondo Mayor Modesto Operania ang kanilang Municipal Price Coordinating Council (MPCC) kaugnay ng Executive Order (EO) 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ginanap na pagtitipon, ipinag-utos ng alkalde, na nagsisilbing chairman ng nabanggit na konseho, ang masusing pag-aaral ng mga miyembro nito kung paano maayos at patas na maipapatupad ang mga nilalaman ng nasabing kautusan mula sa Pangulo lalo na para sa hanay ng mga consumer at mga dealer ng bigas.
Matatandaan na nitong September 5 nang ganap na maging epektibo ang EO 39 na nagtatakda ng “price ceiling” sa mga bigas na ibinebenta sa merkado.
Partikular na saklaw ng Executive Order ang regular milled rice na hindi dapat lalagpas sa P41 kada kilo ang presyo at well milled rice na mayroong price cap na P45 kada kilo.
Bilang bahagi naman ng mga hakbang upang matiyak na maipatupad at masunod ng mga nagbebenta ng bigas sa bayan ng Urbiztondo ang kautusan ng Pangulo, nakatakdang magsagawa ng regular at mahigpit na monitoring sa presyo nito ang Municipal Price Coordinating Council at ang kanilang market office.
Samantala, dumalo rin sa ginawang pulong si Vice Mayor Volter Balolong, MPCC Vice Chairman at Sangguniang Bayan Trade and Industry Committee Chairman Councilor Dyna de Guzman at ilang kinatawan mula sa hanay ng PNP. | ulat ni Ruel de Guzman | RP1 Dagupan
📷 Pasimbalo Urbiztondo