Sanay na ang Pilipinas sa mga kasinungalingan ng China at sa mga hindi totoong pahayag nito.
Reaksyon ito ni National Task Force on the West Philippine Sea Assistant Director General Jonathan Malaya kasunod sinabi ng China na naaayon sa batas ang panghaharang nila sa Philippine vessel na magdadala ng construction materials sa BRP Sierra Madre.
Kasunod ito ng panibagong dangerous manuever ng Chinese vessel, na nagresulta sa pagbangga nito sa Philippine vessel na Unaiza May 2 na magsasagawa ng resupply mission sa lugar, linggo ng umaga (October 22).
Ang Unaiza May 1, matagumpay na nakarating sa Ayungin Shoal.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na tulad noong insidente ng paga-alis ng PCG ng boya na inilagay ng China sa Bajo de Masinloc, kung saan inakusahan ng China na self-stage lamang ito ng Pilipinas, ang pinakahuling pahayag na ito ng China ay panibagong false narrative.
Ayon kay Malaya, ayaw nilang sagutin ang mga paratang na ito, lalo’t wala naman itong katotohanan.
“Kasi maliwanag na maliwanag ho ‘no na hindi totoo iyong sinabi na ‘yung Unaiza May 2 pa daw ang bumangga sa Chinese Coast Guard. Maliwanag na maliwanag na pumapakaliwa ‘no iyong Chinese Coast Guard kaya nagkabanggaan iyong dalawa.” —ADG Malaya.| ulat ni Racquel Bayan