Ilang indibidwal ang nagpupumilit pumasok habang kasalukuyan ang bilangan ng boto sa Atulayan Elementary School sa Lungsod ng Tuguegarao.
Ayon sa nasabing indibidwal, isa siyang SK aspirant at nais lamang niya na matiyak na maayos at patas ang magiging bilangan dahil hindi sila ni-require ng COMELEC na magtalaga ng poll watchers.
Nais aniya nila na makasigurado na magiging maayos ang eleksyon at walang dayaan lalo na ngayong mano-mano ang pagbibilang na gagawin.
Sa katunayan, tumawag pa sila mismo sa COMELEC ngunit binigyang diin ng COMELEC na hindi ito maaari.
Maliban dito, isang nagpapanggap na media na nasa kaparehong polling place ang pinalabas din dahil may binabantayan siyang canvassing.
Dahil hindi siya naka-uniporme at walang anumang ID para sa BSKE 2023 Coverage, agad tinawagan ng mga volunteer ng PPCRV ang kanyang binanggit na media entity at nabatid na isa siyang blocktimer doon noong araw, subalit wala siyang authorization na gamitin ang pangalan ng media ngayong halalan.
Samantala, tiniyak naman ng volunteers at mga kapulisan na walang mangyayaring dayaan at masusunod ang tamang proseso ng halalan ngayong taon.| ulat ni Florence Tarcina| RP1 Tuguegarao