Nag-alok ng “Libreng Sakay” ang Metro Rail Transit-3 (MRT-3) sa Nobyembre 6 para sa mga kabataan, bilang pagdiriwang ng National Children’s Month.
Ayon kay Department of Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino,
makakasakay nang libre sa peak hours ng linya mula 7:00 ng umaga hanggang alas 9:00 ng umaga at mula alas 5:00 ng hapon hanggang alas 7:00 ng gabi ang mga batang may edad 18 taong gulang pababa.
Kabilang sa mga ito ang mga estudyanteng nasa kinder, elementarya, hanggang senior high school.
Kinakailangan lamang magpakita ng valid school ID sa mga security personnel sa istasyon upang makatanggap ng libreng sakay.
Ang Libreng Sakay ay tugon ng MRT-3 sa kahilingan ng National Council for the Welfare of Children (CWC) para sa espesyal na okasyon, at bilang pagpupugay ng linya sa kabataang Pilipino.| ulat ni Rey Ferrer