Bilang pakikiisa sa diwa ng kapaskuhan ay pansalamatalang pinalaya ng House Committee on Dangerous Drugs mula sa pagkakadetine si dating Mexico, Pampanga Mayor Teddy Tumang.
Matatandaan na na-cite in contempt si Tumang noong November 15 at pinatawan ng 30 araw na pagkakakulong dahil sa pagbabahagi ng ilang impormasyong napag-usapan sa executive session ng komite ukol sa isyu ng iligal na droga na nasabat sa Pampanga.
Mismong si House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. ang nag-mosyon para palayain pansamantala si Tumang para makasama naman ang kanyang pamilya at makapagdiwang ng Pasko at Bagong Taon.
Umaasa naman si Gonzales na pagbabalik ni Tumang sa Kamara makapagpasya na ito na suportahan ang komite sa pagresolba sa usapin.
Nabatid naman na tinamaan si Tumang ng COVID-19 habang naka-detine sa Kamara.
Kailangan magbalik ni Tumang sa Kamara sa Jan. 22, 2024 o sa pagbabalik-sesyon ng Kongreso matapos ang Christmas break.
Magdaraos din ng pulong ang komite upang pagpasyahan ang hirit ni Tumang na bawasan ang bilang ng araw ng kanyang detention.| ulat ni Kathleen Jean Forbes