Malugod na inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na umakyat na sa 131 ang bilang ng specialty hospital sa buong bansa, as of December 2023.
“Nung August 24, 2023 pinirmahan ko ang RA 11959 known as the Regional Specialty Centers Act. Ito yung ating mga specialty centers, specialty hospitals sa iba’t ibang lugar. As of December 2023, we have established 131 specialty centers nationwide.” —Pangulong Marcos.
Ayon sa pangulo, ngayong 2024, nasa Php11.12 billion na pondo ang inilaan ng pamahalaan, para sa pagpapatayo pa ng specialty centers sa iba’t ibang lugar sa bansa.
“Nakapagbigay tayo ng P 11.12 billion for 2024 para makapagpatayo pa tayo ng mga specialty centers sa iba’t ibang mga lugar.” —Pangulong Marcos.
Sabi ng pangulo, marami na ring ginawa ang pamahalaan sa ilalim ng Doctors to Barangay, o itong programa na nagbaba ng kalinga ng doktor sa mga barangay.
Pinalawig aniya ang programang ito sa 204 barangay mula sa 218 municipalities.
“Marami na rin tayong ginawa sa ilalim ng programang “Doctors to the Barangays.” Itong programa na ito ay inexpand to 204 out of 218 municipalities naman. Ang katumbas nyan ay 91 percent na ng municipalities ay masasabi nating may nag-aalaga na doctor.” —Pangulong Marcos.
Sabi ng pangulo, napakahalaga ng programang ito, at makakaasa ang mga Pilipino na ipagpapatuloy pa ng gobyerno ang ginagawa nitong pagbabantay sa kalusugan ng publiko.
“Kaya’t napaka importante nito. Patuloy pa itong programa na ito para naman masabi natin na talagang binabantayan ang kalusugan ng ating mga mamamayan.” —Pangulong Marcos.| ulat ni Racquel Bayan