Patay ang isang construction worker at malubhang nasugatan ang dalawang iba pa nang matabunan ng landslide sa Purok 6, Brgy. Calumpang, Liliw, Laguna bandang alas-kwarto ng hapon kahapon.
Sa ulat ni PNP Area Police Command – Southern Luzon (APC-SL) Commander Police Lt. General Rhoderick C. Armamento kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., nagtatayo ng riprap ang mga biktima sa river dam sa naturang lugar nang bigla na lang nagkaroon ng landslide dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.
Kinilala ang nasawi na si Vijay Estanda Salisod, 36, residente ng Brgy. Calumpang, Liliw Laguna.
Habang naligtas naman ng kanilang mga kasamahan at responder ang dalawa pang construction worker na malubhang nasugatan na sina: Joel Apostol Basco, 41, at Eduardo De Chavez Dela Cueva, 59, kapwa residente ng Brgy. Calumpang, Liliw Laguna.
Inatasan ni Lt. Gen. Armamento ang Chief of Police ng Liliw, Laguna na i-cordon off ang lugar at makipag-coordinate sa LGU ng Liliw at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para maiwasang maulit ang insidente. | ulat ni Leo Sarne
📷: APC-SL