Mangingisdang Palaweño, na-rescue sa WPS matapos ang walong araw sa karagatan

Facebook
Twitter
LinkedIn

Ligtas nang matagpuan ng isang Chinese fishing vessel ang 31-anyos na mangingisdang Palaweño na si Rosalon Cayon o mas kilala sa tawag na “Baron” matapos ang walong araw na palutang-lutang sa karagatan gamit ang balsang yari sa styrofoam.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas Palawan sa kaniyang kapatid na si Che Cayon, lumubog ang bangka ng kaniyang kapatid na si Baron ika-23 ng Disyembre 2023 sa bahagi ng Bataraza, Palawan.

Nagamit pa aniya ni Baron ang Global Positioning System (GPS) ng kaniyang telepono bago pa tuluyang nawala ang nasagap na cellular network at data, at narating ang Commodore Reef o Rizal Reef sa West Philippine Sea (WPS) sa pamamagitan ng ginawang balsa gamit ang styrofoam.

Nakasapat pa rin aniya kay Baron sa loob ng unang apat na araw ang ilang isdang “tuyo o daing” na kaniyang ibinilad sa araw at baong inuming tubig, subalit wala na rin aniyang natira para sa kasunod pang apat na araw na inilagi sa karagatan.

Natagpuan aniya ng  Chinese fishing vessel si Baron na mahina na bandang alas-diyes ng umaga nitong ika-31 ng Disyembre 2023 sa mababaw na bahagi ng Rizal Reef at nakatawag sa kaniyang pamilya hapon ng kaparehong araw.

Dagdag pa ni Cayon na binigyan ng mga mangingisdang Tsino si Baron ng paunang lunas, pinainom ng tubig, at pinakain.

Ayon naman sa Western Command (WESCOM), agad ding dinala ng mga kawani ng Chinese fishing vessel ang na-rescue nilang mangingisdang Palaweñong si Baron sa Rizal Reef Detachment (RRD).

Sinabi ng kaniyang pamilya na nakatakda na rin ngayong araw, ika-2 ng Enero 2024 ang paghahatid kay Baron pabalik sa Bgy. Riotuba sa Bayan ng Bataraza.

Nakatakda ring makahingi ng pahayag ang Radyo Pilipinas Palawan mula mismo kay Baron sa kaniyang pagdating sa kanilang bayan. | ulat ni Gillian Faye  Ibañez | RP1 Palawan

Photo: Palawan News

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us