Muling naging sentro ng usapin ngayon sa lalawigan ng Nueva Vizcaya matapos makahukay na naman ng mga buto ng tao sa construction site kung saan itatayo ang isang 3-storey building para sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Command Center sa bayan ng Bayombong.
Naipasakamay na sa PNP-SOCO sa lalawigan ang nasabing mga kalansay, at batay sa kanilang pagtaya ay nasa isang dekada na umano itong nakalibing doon.
Dahil sa nasabing pangyayari ay nagsagawa ng munting misa ang provincial capitol sa lugar upang mag-alay ng panalangin sa kung sinoman ang nasabing indibidwal na nailibing doon.
Ayon kay Provincial Engineer Jerry Tan, tila isang dating libingan ang provincial capitol grounds dahil sa tuwing may excavation activities ang kapitolyo ay nakakahukay sila ng mga buto ng tao…at sa tuwina ay ipinapasakamay nila sa SOCO ang mga kalansay na ito.
Kabilang na sa mga pagkakataong ito noong na-renovate aniya ang People’s Hall at maging noong itayo ang main building ng kapitolyo.
Samantala, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon hinggil sa pinakabagong nadiskubreng mga buto ay maingat namang itinutuloy ng mga manggagawa ang paghuhukay at pagta-trabaho sa lugar. | ulat ni Teresa Campos | RP1 Tuguegarao
📷Provincial Government-Nueva Vizcaya