Bukas si Senador Alan Peter Cayetano na maging tagapag-ugnay ng Senado at Kamara sa gitna ng tensyon dahil sa usapin ng Charter Change at People’s Initiative.
Ayon kay Cayetano, kailangan ng masinsinang pag-uusap sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso tungkol sa isyu.
Pinaliwanag ng senador na ang pangunahing dahilan kung bakit tahasan ang pagtanggi ng mga senador sa People’s Initiative na ginugulong ngayon ay ang panukalang ‘joint voting’ o magkasamang pagboto ng Kamara at ng Senado sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Paliwanag ni Cayetano, kapag pumasa itong prosposal sa PI ay mas madali pang baguhin ang konstitusyon kaysa magpasa o mag-amyenda ng batas.
Ito aniya ay maituturing “shortcut” sa isang napakahalagang proseso.
Tila kasi aniya pinapahiwatig nito na kung hindi makukimbinsi ang mga senador sa isinusulong na mga pagbabago sa saligang batas ay i-abolish na lang sila.
Duda din aniya ang mga senador, may political provisions rin na gustong palitan sa Saligang Batas bukod sa sinasabing mga economic provision.
Binigyang diin ni Cayetano na mahalagang magkasundo na ang Senado at Kamara dahil sa huli, ang mga Pilipino ang sasalo ng bigat ng nagsisimulang “constitutional crisis.”| ulat ni Nimfa Asuncion