Nagbigay babala ang Department of Labor and Employment (DOLE) Region 1 sa publiko laban sa mga online post sa iba’t ibang Facebook Group ukol sa mga job hiring para sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
Sa ilang mga Facebook Post na inilabas ng DOLE Region 1 ay may mga nag-aalok ng trabaho sa ilalim ng programang TUPAD na mayroong P800 sahod bawat araw. Ang mga pekeng Facebook post na ito ay mayroon pang logo ng DOLE upang mas maging kapani-paniwala.
Ayon sa DOLE Region 1, ang ganitong mga post ay walang katotohanan at pawang scam lamang. Hindi umano nagsasagawa ang DOLE ng recruitment online dahil labag ito sa kanilang guidelines.
Ang programang TUPAD ay direktang ipinapatupad ng tanggapan ng DOLE sa pamamagitan ng regional, provincial, o mga field offices nito katuwang ang mga co-partners tulad na lamang ng mga lokal na pamahalaan batay sa Department Order No. 239 Series of 2023 ng DOLE
Ang bawat manggagawa sa ilalim ng TUPAD ay kumikita ng PHP400 kada araw, sa pamamagitan ng gawaing pangkomunidad na karaniwang tumatagal ng 10-15 na araw. Ito ay taliwas sa sinasabi ng mga Facebook post na P800 bawat araw.
Maaring makipag-ugnayan ang publiko sa tanggapan ng DOLE Region upang agad na masugpo ang ganitong mga scam.| ulat ni Ricky Casipit