Patuloy na magtutulungan ang Economic Development Group ng Marcos Administration upang bumuo ng mga hakbang na makahihikayat ng mas maraming foreign investors sa Pilipinas.
Ito ang inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa katatapos na pulong ng mga ahensya na miyembro ng economic team.
Ayon sa NEDA, inilatag ng mga ahensya sa naturang pulong ang mga hakbang nito upang makahikayat ng mga mamumuhunan sa sektor ng renewable energy, critical minerals, at agriculture.
Nagkasundo din ang economic team ng pamahalaan kung paano matutugunan at mapabibilis ang mga proseso para maisakatuparan ang renewable energy projects ng bansa.
Sa mensahe ni Secretary Frederick Go ng Office of the Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs, binigyang diin nito ang tungkulin ng economic team na dapat naka-align ang mga hakbang ng bawat ahensya ng pamahalaan upang maisakatuparan ang layunin para sa bansa.| ulat ni Diane Lear