Umabot sa mahigit 15,000 na galon ng malinis na tubig ang naipamahagi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Humanitarian Team sa iba’t ibang munisipalidad na apektado ng pagbaha na dulot ng shearline at low pressure area sa Agusan del Sur.
Dala ng MMDA Team ang 60 units ng solar-powered water filtration system na kayang makapagsala ng 180 na galon ng tubig kada oras.
Ayon sa MMDA, mahigit 4,000 pamilya ang nabigyan ng tulong sa nakalipas na tatlong araw. Kabilang na rito ang munisipalidad ng La Paz, Prosperidad, San Luis, at Loreto.
Ang naturang tulong ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr na tulungan ang mga residente na naapektuhan ng masamang panahon sa lalawigan.| ulat ni Diane Lear