Isang ‘United Philippines’ o nagkakaisang Pilipinas ang naging tugon ng Provincial Government ng Maguindanao del Sur at Sultan Kudarat sa ipinanawagang pagkalas ng Mindanao sa Pilipinas.
Sa inilabas na statement ni Maguindanao del Sur Governor Bai Mariam Sangki Mangudadatu, sinabi nitong makokompromiso ang pagsisikap ng pamahalaan para sa isang malakas ng Pilipinas habang mapagkakaitan din ang mga taga-Mindanao ng kanilang Constitutional Rights kung kakalas ang Mindanao sa Pilipinas.
Dagdag ni Governor Mangudadatu na sa ngalan ng kapayapaan at pagkakaisa ay kanilang tinatanggihan ang anumang panawagan na maaaring maiugnay sa anumang tangkang pabagsakin ang gobyerno na lilikha ng pagkakawatak-watak ng bayan.
Sa panig naman ni Sultan Kudarat Governor Datu Pax Ali Mangudadatu ay pinagtitibay niya ang kaniyang commitment para sa demokrasya at hindi umaayon sa Mindanao secession.
Hindi aniya bibitiw ang mga taga-Mindanao sa batas na nagtataguyod ng kahulugan ng demokratikong pamamahala kung saan ang indibidwal na kalayaan ay hindi hiwalay sa kolektibong responsibilidad na igalang at sundin ang mga batas ng bayan. | ulat ni Alvin Baltazar