Nagkasundo na sina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez na ceasefire na ang Senado at Kamara sa mga batuhan ng pahayag.
Unang binahagi ni senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na nagkamay na ang dalawang lider ng Kongreso sa naging selebrasyon ng ika-isandaang kaarawan ni Presidential Chief Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa Malacañang ngayong araw.
Sinabi ni Revilla na magandang simula na ito dahil panahon nang isipin naman ang mga Pilipino na naaapektuhan ng bangayan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso.
“Its a good start hindi naman natin mabigla yan pero di natin maawat ang ibang gustong magsalita panawagan ko rin sa House even dito sa mga kasama natin dito sa Senado lamig muna tayo ng ulo, it’s hightime na isipin natin ang mga kababayan natin (JC). At the end of the day ang magsa-suffer dito kapag nagtuloy tuloy ang away na yan ay ang bayan.”
Sinabi naman ni Senate President Zubiri na nagkasundo sila ni Speaker Romualdez na magtrabaho ng propesyunal, itigil na ang bangayan at magtulungan para sa magpasa ng mga batas na pakikinabangan ng mga Pilipino.
Binahagi ni Zubiri na nangyari ang kanilang kamayan sa harap mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa susunod na linggo ay nakatakda pa aniya silang magkaroon ng secondary meeting ni Romualdez.
“Good news. Nag-usap kami ni speaker kanina sabi po namin lets work professionally tigil muna ang bangayan and lets continue to work for the benefit of the administration para sa ating mga kababayan. hindi na maganda kung palagi po kaming nagbabangayan at magkaaway. So we committed to talk to each other hopefully next week for a secondary meeting.”| ulat ni Nimfa Asuncion