Paplantsahin na ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang kanilang mga paghahanda kaalinsabay ng paggunita ng sambayanang Pilipino para sa mga Semana Santa na magsisimula na sa Linggo, March 24.
Ito’y sa pamamagitan ng isang pagpupulong na isasagawa sa Kampo Crame ngayong umaga na susundan naman ng isang pulong-balitaan mamayang hapon
Kabilang sa mga inaasahang dadalo sa naturang pagpupulong ang mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine Coast Guard (PCG).
Una nang sinabi ng PNP na magpapakalat ito ng mahigit 34,000 mga pulis sa iba’t ibang areas of convergence gaya ng mga paliparan, pantalan, terminal ng pampublikong sasakyan, mga pasyalan gayundin sa mga simbahan.
Layon nito na tiyaking magiging ligtas at mapayapa ang paggunita sa Mahal na Araw lalo’t gagamitin din ito ng mga Pilipino bilang pagkakataon upang makapagbakasyon. | ulat ni Jaymark Dagala