Kasabay ng selebrasyon ng World Consumers Rights Day, inilunsad ng Department of Trade and Industry – Albay ang pilot implementation ng kauna-unahang Artificial Intelligence (AI) Chatbot ng ahensya na tutugon sa mga katanungan at reklamo ng mga consumers.
Sa ilalim ng proyektong Gabay sa Tamang Reklamo, ipinakilala ng DTI Albay katuwang ang Albay Consumer Network si GAB, isang AI-powered chatbox na tutulong sa mga consumers na maidulog ang kanilang reklamo at katanungan ng direkta sa nararapat na ahensya ng gobyerno.
Ayon kay DTI Bicol Regional Director Dindo Nabol, nagsimula aniya ang konsepto ng nasabing proyekto noong 2021 matapos na makatanggap ng maraming bilang ng consumer complaints. Aniya, hindi lahat ng reklamo ay kayang saluhin ng DTI Bicol.
Kaya naman sa pamamagitan ng paglulunsad ng AI-powered chatbot, direkta nitong masasagot ang mga katanungan at reklamo ng mga consumers. Gayundin, direkta itong maipapasa sa mga concerned agencies.
Dagdag ni RD Nabol, maaaring ito aniya ang kauna-unahang AI-powered chatbot ng DTI sa bansa. Dagdag niya, magtatagal ang pilot implementation ng nasabing proyekto ng tatlong buwan at kung sakaling marami ang tumangkilik nito, pursigido aniya siyang ipakilala ito sa iba pang rehiyon.
Samantala, may dalawang paraan kung papaano magamit ang bagong lunsad na proyekto ng DTI Albay. Gamit ang isang QR Code o kaya naman ay ang https://consumernetalbay.ph/ . | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay