Inatasan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga establisyimento sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagtitinda ng mga pagkain, na panatilihin ang kalinisan sa kanilang Lugar.
Ito ang naging panawagan ni MIAA General Manager Eric Ines matapos ang kontrobersiyal na isyu ng mga pasaherong kinagat ng surot sa NAIA terminals, at sinundan pa ito ng ipis at daga na nakunan naman ng pasahero sa NAIA terminal 3 na nag-viral sa social media.
Sinabi ni Ines, na may lapses sa bahagi ng housekeeping at pest control units upang malinis at mapanatili nang maayos ang apat na terminal facility.
Inatasan na ni Ines ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng imbestigasyon at repasuhin ang mga kontrata ng mga pribadong kontraktor na sangkot sa house maintenance at pest control. Humingi naman ng paumanhin si GM Ines sa publiko, at tiniyak nito na agad nilang inaksyunan na ang problemang ito. | ulat ni AJ Ignacio