Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na layong makapagtatag ng Bulacan Special Economic Zone and Freeport.
Sa naging botohan, 22 na senador ang pumabor, walang tumutol at walang nag-abstain para maaprubahan ang Senate Bill 2572.
Una nang tiniyak ng sponsor ng panukala na si Senate Committee on Public Services Chairperson Senadora Grace Poe na tinugunan na ng panukalang ito ang mga concern ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa unang bersyon ng panukala na ipinasa noong 18th Congress at na-veto ni Pangulong Marcos.
Ayon kay Poe, binalanse nila dito ang layuning mapalago ang ekonomiya ng bansa at ang pagprotekta sa kalikasan.
Inaasahan ng senadora na sa pamamagitan ng panukalang ito ay mas makakahikayat ng mga mamumuhunan sa Pilipinas at makakagawa ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Umaasa rin si Poe na ang panukalang Bulacan Eco Zone ay hindi lang magiging modelo para sa Pilipinas, kundi maging sa buong Asya.
Nawa aniya ay magresulta ito sa isang world class economic zone na ikaka-proud nating lahat.| ulat ni Nimfa Asuncion