Naghain si Senadora Imee Marcos ng isang resolusyon para makapagkasa ng senate inquiry tungkol sa isyu ng iregular na pagbebenta ng rice stock ng National Food Authority (NFA) sa ilang mga piling trader.
Sa inihaing Senate Resolution 940 ng senadora, hinihikayat ang nararapat na kumite ng Senado na imbestigahan ang kontrobersiya.
Para sa senadora, nakakaalarma na ang hindi pagtupad ng NFA sa kanilang mandato na bumili ng palay mula sa mga magsasaka, panatilihing mababa ang presyo ng bigas para sa mga Pilipino, at tiyakin ang sapat na buffer stock para sa mga kalamidad.
Sa pagsusulong ng Senate inquiry, binigyang diin ni Senadora Imee ang pangangailangan na pagkaroon ng masusing rebyu sa mandato ng NFA para epektibong matugunan ang global rice shortage.
Pinunto ng mambabatas na ang Pilipinas na ngayon ang pinakamalaking rice importer sa buong mundo.
Inaasahan pa aniyang mas lalala ang sitwasyon kaugnay ng kakulangan ng bigas sa mga susunod na panahon dahil sa umiiral na el nino at ang pagprayoridad ng rice-exporting countries sa kanilang domestic needs.
Kaya naman pinahayag ni Marcos na dapat nang aksyunan ang nakakaalarmang mga isyu sa NFA.| ulat ni Nimfa Asuncion