Inuudyukan ng Climate Change Commission (CCC) ang lahat magmula sa gobyerno, pribadong sektor, academe, at mga kabataan na maghanda sa mga epekto ng global warming at tumataas na heat indices sa Pilipinas.
Ito ay matapos ding maglabas ang World Meteorological Organization (WMO) ng United Nations (UN) ng red alert dahil sa lumalalang epekto ng climate change.
Ayon din sa The State of the Global Climate 2023 report ng WMO, itinuring ang taong 2023 bilang hottest year on record kung saan naitala ang global average near-surface temperature sa 1.45 degrees celsius na mas mataas sa pre-industrial levels.
Binalaan din ng PAGASA ang peligrosong antas ng init sa maraming lugar kung saan kahapon lamang ay may 13 iba’t ibang lugar sa bansa kung saan umabot sa danger levels ang mga naitalang heat index.
Binigyang-diin naman ng CCC ang pangangailangan para sa kolektibong aksyon sa iba’t ibang sektor upang mabawasan ang epekto ng nagbabagong klima.
Kasabay nito ang paglalatag ng iba’t ibang plano para sa pagsasagawa ng mga adaptation and mitigation strategies ng pamahalaan sa ilalim ng patnubay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, na ayon sa CCC ay nangangailangan ng agaran nang implementasyon. | ulat ni EJ Lazaro