Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na mas paiigtingin nito ang pagbabantay sa EDSA Busway.
Ito ay sa kabila ng paulit-ulit na paalala ay maraming pa ring mga hindi awtorisadong sasakyan ang dumadaan dito.
Sa kaniyang liham kay Metropolitan Manila Development (MMDA) Acting Chairman Atty. Romando Artes, muling iginiit ni Transportation Secretary Jaime Bautista na tanging mga awtorisadong sasakyan lamang ang papayagan na dumaan sa EDSA Busway.
Kabilang na rito ang mga on-duty na ambulansya, firetruck, at mga sasakyan ng PNP. Gayundin, ang mga sasakyan ng matataas na opisyal ng pamahalaan tulad ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, Senate President, Speaker of the House of Representatives, at Supreme Court Chief Justice.
Nagpasalamat naman ang transport chief sa MMDA sa pagpapatupad ng mga itinakdang alintuntunin ng DOTr para sa maayos na biyahe ng mga commuter at operasyon ng EDSA Busway.
Naniniwala rin ng kalihim na ang pagpapataw ng mataas na multa sa mga sasakyan na hindi awtorisadong dumaan sa Busway ay kinakailangan para mapabuti ang serbisyo nito.| ulat ni Diane Lear