Kinilala ni House Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales ang resulta ng pinakahuling OCTA Research survey kung saan lumabas na 31% ng mga Pilipino ang suportado ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. habang 4% lang ang sa oposisyon.
Aniya, ang resultang ito ng survey ay nagpapakita na nararamdaman ng bawat pamilyang Pilipino ang mga programang ipinatutupad ng pamahalaan para sa kapakanan ng taumbayan.
Pagsiguro naman ni Gonzalez na sila sa Kamara, sa ilalim ng liderato ni Speaker Martin Romualdez, ay patuloy na susuportahan ang legislative agenda ni PBBM upang epektibong makatugon ang pamahalaan sa mga hamon at mailapit ang serbisyo nito sa mga Pilipino.
“Kaya kami dito sa Kongreso, buo ang aming suporta sa lahat ng programa ng ating mahal na Pangulo. Halos natapos na namin ang mga priority legislation niya na kanyang sinabi sa LEDAC at sa kanyang dalawang nakaraang SONA,” giit ni Gonzales.
Naniniwala din si Gonzales na ang suportang ito ng publiko kay Pangulong Marcos Jr. ay lalo lang magbibigay inspirasyon para sa buong pamahalaan na magtrabaho at magsipag.
“I believe this show of support for President Marcos Jr. will only encourage his administration and us here at the House to tirelessly work for the welfare of Filipinos and the nation. Nakita naman natin ang sipag ng ating Pangulo sa pagkalap ng investments mula sa ibang bansa. Hindi siya tumitigil,” dagdag niya.
Isinagawa ang OCTA Research Tugon ng Masa survey nitong March 11 hanggang 14 na may 1,200 respondents. | ulat ni Kathleen Jean Forbes