Apat na punto ang binigyang diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isandaang miyembro ng Alpha-Bravo “BAKAS-LIPI” batch na nagsipagtapos ngayong araw sa Bangsamoro Police Basic Recruit Course.
Sa talumpati ng Chief Executive, sinabi nito na ang kanilang integridad ang mananatiling susi para sa kanilang tagumpay sa hinaharap na aniya’y dapat sikaping maging pundasyon sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Dapat din aniyang isapuso at isaisip ang imahe ng Bangsamoro Region at ng buong bansa na may seguridad at kaayusan.
Dagdag ng Presidente na dapat ding maging tuloy-tuloy ang paglilinang at pagpapayaman sa kasanayan ng bagong graduates upang sa ganitong paraan ay tumaas ang antas ng kanilang serbisyo.
Kailangan aniyang masigasig sila sa pagtuklas sa pangangailangan ng taong bayan dahil sa ganitong paraan ay magiging tunay silang odelo ng mamamayan.
Sa huli ay tiniyak din ng Pangulo na hangga’t tapat sila sa kanilang mga tungkulin ay kanyang sisiguraduhin ang kanyang buong suporta lalo’t magkatuwang aniya sila sa pagsisikap na mabigyan ng payapa at masaganang buhay ang mamamayang Pilipino sa ilalim ng Bagong Pilipinas. | ulat ni Alvin Baltazar