Sa botong 186 affirmative, 5 against, at 7 abstention, pinagtibay ng Kamara ang rekomendasyon na patawan ng parusang censure si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez dahil sa disorderly behavior.
Bunsod ito ng reklamo na inihain ni Tagum Mayor Ray T. Uy dahil sa umano’y libelous at seditious statement ni Alvarez sa isang rally.
Kabilang dito ang paghimok sa militar at pulis na bawiin ang suporta kay Pang. Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa orihinal na rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges ay 60 day suspension ang disciplinary action na ibigay kay Alvarez.
Ayon kay COOP-NATCO party-list Rep. Felimo Espares, chair ng komite, ang unparliamentary at negative statements ng mambabatas ay nakaapekto sa integridad at dignidad ng Kamara.
Ngunit kapwa tumayo sina Camiguin Rep. Jesus Jurdin Romualdo at Northern Samar Rep. Paul Daza para hingin na babaan ang parusa.
Ani Romualdo, masyadong mabigat ang suspension bilang parusa at sapat na ang censure para magtanda ang kasamahan na maging maingat na sa susunod.
Sabi naman ni Daza na paraan ito para maipagpatuloy pa rin ni Alvarez ang kaniyang legislative duties.
Nagpaalala naman si Minority Leader Marcelino Libanan na batay sa tradisyon dapat ay sinusuportahan ang desisyon ng committee chair. Maaari kasi aniya maging precedent ang ganitong pangyayari sa hinaharap.
Kinalaunan ay tinanggap naman ni Espares ang apela ng dalawang mambabatas lalo at recommendatory lang naman ang papel ng kanilang komite sa isyu.| ulat ni Kathleen Forbes