Nagmosyon si Antipolo Rep. Romeo Acop na patawan ng show cause order ang mga inimbitahang resource person na hindi dumalo sa pagdinig ukol sa gentleman’s agreement.
Ito’y sa kabiguan ng mga opisyal ng dating administrasyon na humarap sa imbestigasyon ng House Committee on National Defense and Security at Special Committee on the West Philippine Sea sa sinasabing kasunduan na pinasok ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at China.
Salig sa show cause order, kailangan ipaliwanag ng naturang mga opisyal kung bakit sila lumiban sa hearing ng komite.
“In the spirit of consistency in following our protocols, may I move that those who have been invited and did not come here and provided no valid excuse, be issued a show cause order to explain their absence in today’s hearing,” sabi ni Acop.
Kabilang dito sina dating Defense Sec. Delfin Lorenzana, dating National Security Adviser Hermogenes Esperon, at dating Executive Secretary Salvador Medialdea.
Sa hiwalay naman na mosyon, humirit si Deputy Minority Leader France Castro sa DFA na isumite nito ang pangalan ng mga sumama sa delegasyon na bumisita sa China noong 2016 kasama si dating Pangulong Duterte.
Ito kasi ang panahong itinuturo ng Chinese Embassy na naganap umano ang gentleman’s agreement.
Nangako naman ang DFA na tatalima sa kahilingan ng mambabatas.| ulat ni Kathleen Forbes