Hindi kailanman kukonsintehin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang sinumang tauhan nito na masasangkot sa moonlighting activities na mahigpit nilang ipinagbabawal.
Ito ang tinuran ang AFP makaraang masangkot ang isang dating miyembro ng Intelligence Service Unit sa nabanggit na aktibidad matapos maaresto ng mga tauhan ng PNP Highway Patrol Group (HPG) sa Parañaque City kamakailan.
Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, dapat tumimo sa isip ng mga sundalo ang pagiging propesyunal at laging isaisip ang kanilang mandato na protektahan ang bansa gayundin ang mga Pilipino.
Giit pa nito, tanging ang Commander in Chief at pamilya nito ang binibigyan nila ng VIP Security sa pamamagitan ng kanilang Presidential Security Group (PSG).
Kaya naman, ibinabala ni Padilla sa mga sundalo na masasangkot sa moonlighting activities na mahaharap ang mga ito sa kaukulang parusa. | ulat ni Jaymark Dagala