Mabilis na inaprubahan ng House Committee on Welfare of Children ang House Bill 10159 o panukalang Magna Carta of Children (MCC).
Lalamanin nito ang isang komprehensibong legal framework para sa proteksyon at kapakanan ng mga kabataan.
Bilang pangunahing may akda ng panukala, sinabi ni Speaker Martin Romualdez na isusulong ng MCC ang pagkilala sa proteksyon at pagtutulak sa karapatan at kapakanan ng lahat ng kabataang Pilipino, lalo na ang nasa marginalized sector.
Pagtalima rin aniya ito sa United Nation’s Convention on the Rights of the Child (UNCRC)na niratipikahan ng Pilipinas noong 1990.
Pangunahing probisyon ng panukala ang pag buo sa Philippine Commission on Children; pagkakaroon ng Ombudsman for Children sa ilalim ng Commission on Human Rights; pagkakaroon ng children’s association sa local at national levels; pagdaraos ng Philippine National Children’s Conference, at pakikibahagi ng mga kabataan sa pamamahala gaya sa local councils, youth parliaments, at iba pang decision-making platforms.
Pag-iisahin ng MCC ang kasalukuyang mga batas upang maiayon sa probisyon ng UNCRC. | ulat ni Kathleen Jean Forbes