Sinagot ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang alegasyon ng hepe ng Public Information Office ng Kanlaon LGU na hindi raw sila naabisuhan ng pagputok ng bulkang Kanlaon kahapon.
Paliwanag ni PHIVOLCS Science Research Specialist Chief Maria Antonia Bornas, araw-araw ay may impormasyon silang naka-post sa lahat ng social media account ng PHIVOLCS.
Malinaw na nakasaad dito na nasa ilalim ng alert level 1 ang bulkang Kanlaon sa loob na ng ilang buwan.
Bukod aniya sa napakadali itong makita at accessible sa publiko maaari namang makipag-ugnayan ang LGU o sino man kung may gusting linawin.
Ayon pa sa PHIVOLCS, ang Mt. Kanlaon ay isa sa mga bulkan sa Pilipinas na heavily monitored ng mga state-of-the-art equipment bilang bahagi ng modernization program ng pamahalaan.
Batay sa monitoring ng PHIVOLCS ngayong araw, hindi nakitaan ng degassing activity ang bulkan pero hindi isinasantabi ang posibilidad na magkaroon pa ito ng mga pagputok. | ulat ni Rey Ferrer