Inihayag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa katauhan ni Chairman at CEO Alejandro Tengco na isa umanong dating mataas na opisyal ng pamahalaan ang nagtangkang magpahintulot sa pagbibigay ng lisensya sa mga iligal na POGO.
Sa pahayag ni Tengco, binigyang-diin nito ang pangangailangan ng masusing imbestigasyon sa mga aktibidad ng mga POGO operator at mga dating opisyal na sangkot dito.
Aniya, tanging ang mga operator na may wastong lisensya lamang ang dapat payagan na mag-operate ng mga gaming activity. Ipinahayag din niya ang pagsisikap ng kasalukuyang administrasyon na bawasan ang bilang ng mga illegal operationg ng ilang POGO na nagresulta sa pagbaba nito sa 43 licensees mula sa 298 noong nakaraang administrasyon.
Tiniyak ni Tengco na handa ang PAGCOR na isiwalat ang mga pangalan ng mga taong sumusuporta sa mga ilegal na operasyon na ito.
Dagdag pa nito na determinado ang pamahalaan na labanan ang ganitong mga gawain dahil sa mga banta nito sa kaligtasan ng publiko.| ulat ni EJ Lazaro