Pinuri ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian ang imbestigasyon ng Bureau of internal revenue (BIR) kay Bamban Tarlac Mayor Alice Guo para silipin ang posibleng tax evasion ng suspendidong alkalde.
Welcome para kay Gatchalian ang ganitong proactive na aksyon ng BIR na imbestigahan ang sources of income ng mga kumpanya ni Guo at tukuyin ang mga liabilities nila sa gobyerno.
Pinunto ng senador na noong nakaraang pagdinig ng Senate Committee on Women tungkol sa isyu sa alkalde, natuklasan ang mga deklaradong income ng Guo companies ay hindi tugma sa assets at investments ni Mayor Alice.
Isa na aniya itong indikasyon na may mga kita ang kumpanya na hindi deklarado sa kanilang tax returns.
Sa isang pahayag, sinabi ni Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui Jr. na inatasan niya ang ahensya na magkaroon ng isandaang porsyentong kooperasyon sa imbestigasyon ng senado tungkol kay Mayor Guo.
Kabilang sa mga iimbestigahan ang mga pangalan at iba pang entities na nabanggit sa mga pagdinig ng mataas na kapulungan. | ulat ni Nimfa Asuncion