Tiniyak ni Speaker Martin Romualdez na habang siya ang lider ng Kamara ay masisiguro ang pondo para sa interest subsidy ng pambansang pabahay program para sa Pilipino.
Sa ginawang site inspection sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing Program sa San Mateo Rizal, sinabi ni Romualdez na habang siya ang House Speaker ay makakaasa na mayroon pondo ang programa.
Batay sa pagtaya ng DHSUD, mangangailangan ng P10 billion para sagutin ng gobyerno ang interest subsidy ng mga pabahay upang mapababa ang presyong babayran ng mga benepisyaryo.
“Kaya ‘yong sinasabi nga namin kanina, baka nakita mo nagbubulungan kami dito eh, tinanong ko talaga kay Secretary ano ba talaga ‘yong kailangan natin dito, sinabi niya talaga, ‘yong susi talaga dito sa success na long-term ‘yong subsidy sa interest. Kaya nagbubulungan kami ni Cong. Zaldy eh, sabi niya sa umpisa mga P10 billion, P20 billion habang dumadami. Pero ito lang ang masasabi ko sa’yo. Habang Speaker ako, committed ko na ‘yan,” sabi ni Romualdez.
Kasabay nito ay ibinida ng House leader ang mas pinagandang socialized housing project ng pamahalaan.
Ngayon kasi aniya ang pabahay ng pamahalaan ay nilagyan na rin ng mga pasilidad gaya ng pool, basketball court at club house na kadalasan ay makikita lang sa mga upper income class.
“Masaya ako dahil hindi lang pala tirahan ng pamilyang Pilipino ang itinayo natin dito. May basketball court, swimming pool, clubhouse at iba pang amenities na dati’ymakikita lang sa mga subdivision at condominium,” sabi ni Romualdez.
Giit ng House leader pangarap ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mabigyan ng disenteng tirahan ang mga Pilipino, mamuhay nang may dignidad at manirahan sa isang komunidad na payapa at ligtas.
Sa kasalukuyan nasa 170,000 housing units na aniya ang itinatayo sa may 55 lokasyon sa Metro Manila.
Siniguro naman ni Romualdez na titiyakin ng Kongreso na mapaglaanan ng sapat na pondo ang pabahay program ng pamahalaan.
Ito ay kahit pa nangako na ang Pag-ibig ng P250 billion para sa socialized housing programs.
Target ng Marcos Jr. administration na mapunan ang 6.5 million housing backlog sa housing sa pagtatapos ng termino sa 2028.
“Ang kagandahan sa proyektong ito, ‘in-city resettlement’ ang ating ginagawa. Ibig sabihin, kung saang siyudad ka dati nakatira, doon ka rin hahanapan ng malilipatang bahay. Hindi natin inilalayo ang pamilya sa kanilang komunidad. Malapit pa rin sila sa kanilang trabaho at paaralan,” dagdag ni Speaker Romualdez.
Sabi pa ni Romualdez na maliban sa Legacy Housing project ay hangad din ni PBBM namakapagpatayo ng world-class Legacy Hospitals tulad ng Philippine Cancer Center sa Quezon City at Regional Specialty Hospitals sa mga pangunahing siyudad sa Pilipinas.
Gayundin ang Legacy Food Security program upang tulungan ang mga mga magsasaka na mapalaki ang kanilang ani.
“Hindi po titigil ang Kongreso sa paglalaan ng pondo at paggawa ng mga batas. Gagawin natin ito para matupad ang pangarap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. – ang mabigyan ng masaganang bukas ang bawat pamilyang Pilipino sa isang ligtas at payapang bansa,” dagdag ni Speaker Romualdez.| ulat ni Kathleen Forbes