Sinegundahan ni Defense Sec. Gilbert Teodoro ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pinapalakas na ngayon ang pwersa ng Armed Forces of the Philippines.
Sa kanyang mensahe sa Museleo Los Veteranos de Revolucion sa Manila North Cemetery kaalinsabay ng Linggo ng Kalayaan, kinumpirma ng kalihim na nagpapalakas ng mga kagamitan ang Pilipinas.
Ito ay para protektahan ang teritoryo at soberanya ng bansa sa tumitinding tensyon ngayon sa West Philippine Sea.
Sabi ng kalihim, kailangan nang magpalakas ng Pilipinas sa mga arsenal nito upang magkaroon ng kakayahan na ipagtanggol ang sariling soberanya.
Hindi na daw sila papayag na binu-bully ng China ang Pilipinas kung kaya’t nakatutok sila ngayon sa mga kagamitan na pandepensa. | ulat ni Michael Rogas